Tinanggap ng maluwag sa damdamin ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap ang paghingi ng paumanhin ng pamunuan ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) matapos na lumabas na mali pala ang binigay nilang resulta sa Kongresista.
Nitong Miyerkules ay naibalitang positibo sa COVID-19 si Yap na binawi naman ng RITM matapos ang dalawang araw.
Aminado si Yap na naging mahirap sa kanya ang huling 48 oras at hindi rin ito naging madali para sa mga taong kanyang nakasalamuha sa pag-aakalang positibo nga siya sa Coronavirus.
Sa kabilang banda ay lubos naman ang pasasalamat ni Yap matapos linawin ng RITM na clear o negative siya sa COVID-19.
Sinabi ni Yap na mismong ang Director ng RITM na si Dr. Celia Carlos ang tumawag sa kanya para ipaliwanag ang nangyari.
Naiintindihan niya ito dahil pinaka-abala ngayon ang RITM para sa pagkuha at pagbibigay ng test result sa mga PUMs at PUIs at lahat ng pressure ngayon ay nasa medical facility.
Nanawagan naman si Yap na huwag kagalitan ang RITM dahil hindi naman sila nagkamali at malinaw na clerical error ang nangyari.
Kagabi lamang natuklasan ng kanilang Molecular Biology Laboratory na nagkaroon ng “Encoding Error” sa COVID-19 test result ni Yap.