Muling nagkaroon ng makabuluhang pagpupulong si Congresswoman Gina de Venecia at DSWD Secretary Rex Gatchalian kaugnay ng mga proyektong nakatuon sa kapakanan ng ika-apat na distrito ng Pangasinan.
Sa panayam, ipinaabot ni De Venecia ang taos-pusong pasasalamat ng buong distrito, lalo na ng mga nasalanta ng nagdaang pag-ulan at pagbaha, sa mabilis na pagtugon at pagbibigay-ayuda ng DSWD katuwang ang kanyang opisina.
Binigyang-diin naman ni Secretary Gatchalian na mahalaga ang pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kumpiyansa ng publiko sa kakayahan ng gobyerno na tugunan ang mga hamon ng panahon.
Bukod dito, natalakay rin sa pagpupulong ang mga proyektong tutok sa Kapakanan ng kababaihan, Mental Wellness, Programang pangkabuhayan katuwang ang TESDA at DTI.
Giit ni De Venecia, ang pagbibigay-lakas sa kababaihan ay pagbibigay-lakas din sa pamilya at sa buong komunidad.
Samantala, nakipagpulong din si De Venecia bilang co-president ng Association of Women Legislators Foundation, Inc. (AWLFI), kasama si Bulacan 4th District Representative Linabelle Villarica, kay Secretary Gatchalian.
Kasama ang Department of Health (DOH), napagkasunduan ng AWLFI at DSWD na magtulungan upang mas mapalakas ang mga hakbang kontra sa lumalalang problema ng mental health sa bansa.
Ang AWLFI ay binubuo ng lahat ng babaeng mambabatas sa Kamara, na pinamumunuan ni Congresswoman Yedda Romualdez ng Tingog Party-list bilang chairperson.
Matatandaang noong pinamunuan ni Gina de Venecia ang Congressional Spouses Foundation, Inc. (CSFI) noong dekada ’90 hanggang unang bahagi ng ika-21 siglo, naitatag ang ilang mahahalagang pasilidad tulad ng The Haven for Women na may 15 regional centers, The Haven for Children na may 4 na regional centers para sa mga street children, The Haven for the Elderly para sa mga inabandonang nakatatanda.
Bilang pangulo ng INA Foundation, itinatag rin ni De Venecia ang INA Healing Center sa Quezon City para sa mga inang naulila. Hanggang ngayon, patuloy na pinakikinabangan ang mga pasilidad na ito na nasa ilalim ng pamamahala ng DSWD. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









