Kinasuhan na ni Lopez, Quezon Councilor Arkie Yulde sina Congresswoman Helen Tan at ang asawa nitong si Department of Works and Highways (DPWH) Ronnel Tan ng serious illegal detention.
Kabilang din sa kinasuhan si dating The Manila Times correspondent na si Jaime Aquino na ginamit ng mag-asawang Tan para umano’y siraan si Yulde.
Ito ay matapos isiwalat ng anak ni Jaime Aquino na si Jestine Aquino ang ginawa ng ama na sangkot sina Tan.
Tumayong personal driver, personal assistant, taga-asikaso ng lahat ng ginagawa ng ama at may alam sa lahat ng transaksyon ni Jaime, kabilang ang pamemeke ng mga dokumento.
Inamin ni Jestine na nakipagkita silang mag-ama kina Tan.
“Nakipagkita, nakipag-usap sa iba’t ibang lugar sa San Fernando, La Union, sa Makati, sa isang mall… Nakipag-usap po kami kay Region 1 DPWH Engr. Ronnel Tan at kay Congresswoman Angelita “Helen” Tan,” pahayag ni Jestine.
Aniya pa ng anak ni Jaime, ilang beses itong nakipagkita sa mag-asawang Tan.
“Dito sa Makati City, sa isang mall, nakipagkita ho kami kay Engr. Rommel Tan, kay Congresswoman Helen Tan. Dala po namin ang mga dokumento, mga affidavit, affidavit ng nga witness tapos mga pekeng identification, mga pekeng medical certificate,” pagpapatuloy ni Jestine.
Sa magkahiwalay na araw, sinabi ni Jestine na muling nakipagkita silang mag-ama sa mag-asawang Tan upang ibigay ang mga pekeng dokumento na gagamitin laban kay Yulde.
Sa isang pagkikita nito, nakita mismo ni Jestine na inabutan ng mag-asawang Tan ang ama ng P3 milyon.
“Nilabas po ng aking ama ang complaint affidavit laban sa kanya ‘yun daw po ang gagamitin na pagsira ng kredibilidad ni Councilor Arkie Yulde. Ito po ang gagamitin para maipakulong si Councilor Arkie Yulde,” paliwanag pa ni Jestine.
“Sinabi po ni Engr. Ronnel Tan kay Congresswoman Helen Tan ‘may P3 million ka ba dyan?’ sabi ni Congresswoman Helen Tan ‘mayroon’ at sumenyas sa kanyang mga body guard at maya-maya nandyan na ‘yung bag na may laman na mga bundle ng isang libo na halagang P3 milyon. Pinadala ito ng aking ama sa sasakyan,” kwento pa niya.
Ayon kay Atty. Freddie Villamor, abogado ni Yulde, binigyan ng mag-asawang Tan si Jaime ng P3 milyon para sirain ang pangalan ni Yulde.
Nitong Huwebes, kinasuhan ang mag-asawang Tan at Aquino ng serious illegal detention sa Makati Prosecutors Office.