
Pinabulaanan ni Cong. James “Jojo” Ang ng USWAG Ilonggo Party-list na may kaugnayan siya sa alegasyon ng anomalya sa flood control projects.
Ito ang naging sagot ni Ang matapos siyang mapabilang sa mga binaggit ni Pacifico “Curlee” Discaya na mga opisyal ng gobyerno na nakatanggap ng “porsyento” kapalit ng pagpapatuloy ng kanilang mga proyekto.
Sa kaniyang official statement, iginiit ng kongresista na nasorpresa siya na nadawit ang kanyang pangalan.
Dismayado rin ito sa ginawang pandadawit ng ibang tao bilang distraksyon upang hindi matutukan ang totoong isyu.
Aniya, kinokontra niya ang anumang uri ng katiwalian na sumisira, hindi lamang sa gobyerno, kundi pati na rin sa tiwala ng tao.
Naninindigan si Ang na simula pa noon, nagsisilbi siya nang tapat at may integridad.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nadawit ang kanyang pangalan sa anomalya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo na si Ang ang nagsabi sa kaniya na magkolekta ng quote o donations mula sa iba’t-ibang contractors bilang pagpapakita ng suporta sa mga programa ni Congressman Leandro Leviste.
Ito ay mariin namang itinanggi ni Ang.










