Isinugod sa St. Luke’s Medical Center Quezon City si House Deputy speaker Prospero Pichay Jr. matapos dumugo ang kanyang ilong habang naka-break ang sesyon sa Kamara kagabi.
Agad na pinuntahan ng medical team si Pichay at sinakay sa wheelchair para bigyan ng first aid.
Nang tanungin ng media habang inilalabas sa Kamara, sinabi ni Pichay na ayos lang siya at hindi gaanong masama ang kanyang pakiramdam.
Sabi naman ni Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate na tumaas ang blood pressure si Pichay.
Pansamantalang humalili kay Pichay bilang presiding officer ang kapwa niya deputy speaker na si Davao City Representative Mylene Garcia-Albano.
Samantala, sa Facebook post ng tanggapan ni Pichay, nakasaad na ang opisyal na diagnosis sa kongresista ay nosebleed.
Tiniyak naman ng kampo ni Pichay na maayos na ang kondisyon ng mambabatas at inaasahang dadalo sa sesyon ngayong Martes.