Gusto nang bumalik ni Negros Oriental 3rd District Arnolfo Teves Jr., sa Pilipinas matapos magpa-stem cell sa Estados Unidos.
Ito ang sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, lead counsel ni Teves hinggil sa panawagan ni House Speaker Martin Romualdez na umuwi na sa Pilipinas ang kongresista para sagutin ang mga alegasyon laban dito.
Ayon kay Topacio, gusto nang bumalik sa Pilipinas ng kanyang kliyente pero nag-aalinlangan ito dahil sa mga banta sa kanyang buhay.
Si Teves ay sinasabing nasa US para magpa-stem cell noong panahon ng mabaril at mapatay si Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Samantala, Nilinaw naman ni Atty. Edward Santiago, isa sa mga abugado ni Teves na scripted lamang ang nangyaring raid sa mga bahay ng mambabatas sa Negros Oriental.
Aniya, hindi sinunod ng raiding team ang protocol sa pagbusisi sa bahay ni Teves.
Habang nilinaw naman ni Topacio na ang warrant ng mga pulis ay para sa pag-search sa granada pero ang kinuha sa bahay ng kanilang kliyente ay mga baril.
Bunsod nito, hinamon ng legal team ni Teves na ilatag sa korte ang mga sinasabing ebidensya laban sa mambabatas at doon nila ito sasagutin.
Humingi rin ang mga ito ng “fundamental fairness” o patas na pagbusisi sa kaso lalo’t Hindi makatwiran para sa kanilang kliyente na idinadawit siya gayong maituturing na hearsay lang ang sinasabing “isang Cong. Teves” ang mastermind sa pagpatay kay Degamo.