Malugod na tinanggap ni Davao Representative Isidro Ungab ang pag-endorso sa kanya ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) para sa house speakership race.
Ang HNP ay regional party na pinamumunuan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Ungab – handa ang HNP na makipagtulungan kaninuman at umaasang magkakaroon ng unity at cooperation para sa isang matatag na Kamara.
Handa aniya siya na tanggapin ang anumang posisyong ibibigay sa kanya.
Inendorso ng HNP si Ungab upang maresolba ang gusot sa mga mambabatas matapos mag-anunsyo si Davao City Representative Paolo Duterte na tatakbo rin sa posisyon.
Siniguro rin ni Ungab na ang HNP ay maglilingkod para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.
Iminungkahi rin nila na ang ibang speakership candidates ay humawak na lamang ng key positions sa Mababang Kapulungan.
Si Taguig Representative Alan Peter Cayetano para sa majority leadership, Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang appropriations committee chairperson at Leyte Representative Martin Romualdez bilang accounts committee chairperson.
Pagbobotohan ang susunod na house speaker sa July 22 kasabay ng pormal na pagbubukas ng 18th Congress at ika-apat na SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.