Cong. Zaldy Co, itinuro sa pagdinig ng Senado na proponent ng mga insertions sa budget

Ibinulgar ni Navotas Congressman Tobby Tiangco sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang proyekto sa flood control projects na si House Committee Appropriations Chairman Zaldy Co ang proponent ng mga insertions o pagsisingit sa pambansang pondo ngayong taon.

Sa kabila ng umiiral na inter-parliamentary courtesy ay pinili ni Tiangco na humarap sa imbestigasyon ng Senado para isiwalat ang mga isyu sa flood control projects.

Ipinakita ni Tiangco sa screen ang mga ginawang insertions ni Co partikular sa lalawigan ng Mindoro kung saan mula sa P2.530 billion sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) ay lumobo ito sa P20.9 billion sa General Appropriations Act.

Duda si Tiangco dahil hindi naman ito magagawa ng mga baguhan at ordinaryong kongresista lalo’t hindi naman sila naging bahagi ng bicam.

Mariin ding itinanggi ni Tiangco ang alegasyon na nagsingit siya sa pambansang pondo dahil hindi naman siya myembro ng bicameral conference committee.

Ibinunyag din ng kongresista ang tungkol sa “parking” at “sagasa” funds.

Paliwanag ni Tiangco ginagawa ito ng ilan kung saan pina-park o itinetengga muna sa isang distrito ang pondo habang ang sagasa naman ay lalagyan ng pondo ang isang distrito sa ayaw at sa gusto ng mambabatas.

Facebook Comments