Monday, February 2, 2026

Cong. Zaldy Co, maaaring magboluntaryong humarap sa imbestigasyon ng senado pero hindi pwedeng pilitin

Maaaring magboluntaryo si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ito ang inihayag ni Senate President pro-tempore Ping Lacson sa gitna na rin ng mga mabibigat na isiniwalat laban kay Co ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan na ang kongresista umano ang promotor ng insertions ng pondo sa mga ghost flood control projects.

Ayon kay Lacson, hindi nila mapapadalo si Co sa pagdinig dahil sa umiiral na inter-parliamentary courtesy bilang isang mambabatas.

Gayunman, sinabi ni Lacson na maaaring magboluntaryo si Co na humarap sa pagdinig para direktang sagutin ang mga akusasyon at bukas para sa kanya ang Senado.

Samantala, sinabi naman ni Senate President Tito Sotto III na hindi naman kailangang ipatawag si dating Senator Grace Poe sa pagdinig ukol sa ghost flood control projects pero maaari itong kailanganing ipatawag sa pagdinig tungkol naman sa 2026 National Budget.

Sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay humarap si Poe at iginiit na wala siyang sinalihang small committee ng bicameral na siyang nagsingit sa budget ng mga flood control projects.

Facebook Comments