Isasagawa na bukas, August 17, ang congressional briefing ng House Committee on Public Accounts kaugnay sa Commission on Audit (COA) report noong 2020 kung saan kinakitaan ng P67.32 billion na deficiency ang Department of Health (DOH) sa COVID-19 response.
Ayon kay Committee on Public Accounts Chairman at Probinsyano Ako Partylist Rep. Jose “Bonito” Singson, pinadadalo sa gagawing briefing ang mga opisyal ng COA upang ipaliwanag ang 2020 annual audit reports para sa DOH, lalo’t ang pondong pinag-uusapan ay mula sa dalawang Bayanihan Law na ipinasa ng Kongreso noong nakalipas na taon.
Inaasahang dadalo rin sa congressional briefing ang mga opisyal ng DOH, sa pangunguna ni Health Sec. Francisco Duque III.
Mismong si House Speaker Lord Allan Velasco ang humiling na magsagawa ng briefing upang mabigyang-linaw ang mga isyu hinggil sa paghawak ng DOH sa pondo para sa pagtugon sa pandemya.
Layon din ng Kamara na mabatid kung naigugol ba ng tama ang bilyon-bilyong pisong pondo, at makalikha na rin ng kinakailangang lehislasyon upang maiwasan ang anumang problema sa hinaharap.