Iminungkahi ng isang health group sa Kamara na ilaan na lamang sa pagpapatayo ng mga cold storage facilities para sa bibilhing COVID-19 vaccines ang bilyong infrastructure funds na isiningit sa 2021 national budget.
Sa ginawang paghimay ng Senado sa ₱667 Billion budget ng DPWH sa taong 2021, lumilitaw na ₱447 Billion dito ay para sa mga congressional districts kung saan napansin din ang biglaang insertions sa budget nang maupo si Speaker Lord Allan Velasco sa pwesto.
Lumilitaw pa na walang nakapaloob na budget para sa cold storage facility at sa iba pang supply chain-related costs para sa bakuna.
Ayon kay Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana, dapat bawasan ang pondo sa infrastructure ngayong 2021 dahil mas nangangailangan na pondohan muna ang COVID response ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Department of Health- (DOH) Disease Prevention and Control Bureau Supervising Health Program Officer Luzviminda Garcia, gagastos ng ₱3 Billion para sa -70 degrees Celsius storage requirement sa COVID vaccine na gagamitin ng may 25 milyong Pilipino.
Sinabi ni Vaccinologist Melvin Sanicas na dapat manatiling frozen ang COVID vaccine para maging epektibo at hindi mawala ang bisa ng bakuna.
Matatandaang tinukoy ni Senator Panfilo Lacson na may malaking congressional infrastructure budget ay isang distrtito sa Davao na may ₱15.351 billion budget; sa Albay ay ₱7.5 billion, sa Benguet ay ₱7.9 billion habang sa Abra ay ₱3.75 billion.