Inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education ang dalawang joint resolutions na layong bumuo ng isang Congressional Oversight Committee on Education.
Sa House Joint Resolutions 26 at 27 ay bubuo ng oversight committee na siyang magsasagawa ng national review, assessment, at evaluation sa performance ng regulating agencies para sa basic at higher education.
Ang Congressional Oversight Committee on Education ay bubuuhin ng tig-limang miyembro sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.
Sa sponsorship speech ni Aurora Rep. Rommel Rico Angara, tinukoy nito ang napakaraming hamon sa education system ng bansa.
Ilan sa mga ito ay ang pagbaba ng bilang ng mga nag-e-enroll sa junior high school papunta ng senior high school, kakulangan sa guro at silid-aralan, large class sizes, mababang learning achievement at mababang passing rate sa licensure exams.
Napapanahon na rin aniya na silipin ang kabuuang education eco-system na napilitang mabago dahil sa kasalukuyang COVID-19 pandemic.