Bigo si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr., sa kanyang hiling na makadalo sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa Hulyo 24.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, kahit virtually o online ay hindi maaring makibahagi sa SONA si Teves.
Paliwanag ni Velasco, ito ay dahil nanatili pa rin ang panibagong 60 araw na suspensyon kay Teves mula noong May 31 Hanggang July 30.
Bunsod nito ay binigyang diin ni Velasco na hindi kasama si Teves sa mga padadalhan ng imbitasyon para sa SONA.
Sabi ni Velasco, malinaw sa patakaran ng Kamara na dahil suspended si Teves ay suspendido ang lahat ng pribilehiyo ni Teves at kasama dito ang kanyang access sa plenaryo at sa mga committee hearings.
Magugunitang unang pinatawan ng suspensyon si Teves noong March 22 hanggang May 22.
Si Teves ay lumabas ng bansa noong February 28, at hindi pa ito bumabalik kahit napaso na noong March 9 ang travel authority na ini-isyu sa kanya ng Kamara.