Congressman Arnolfo Teves Jr., sinisigurong babalik ng bansa kung may nakikitang patas na pagdinig sa mga kasong ibinabato laban sa kaniya

Muling humarap sa publiko ang kontrobersiyal na si Negros Oriental Third District Representative Arnolfo Teves Jr., kung saan kanyang pinanindigan ang pag-uwi sa Pilipinas.

Sa forum na Balitaan sa Tinapayan, iginiit ni Teves na uuwi siya ng Pilipinas kapag nakakita na siya ng “semblance of fairness” o kahit katiting lang na pagkakaroon ng patas na pagdinig sa mga alegasyon na ibinabato sa kanya.

Kaugnay nito, sakaling makaramdaman si Teves na kampante at magiging ligtas na siya, hindi siya magdadalawang isip na bumalik ng Pilipinas lalo na’t nais na niyang makapiling ang pamilya.


Sa ngayon kasi hindi siya nabibigyan ng pagkakataon upang marinig ang kanyang panig kung saan hinusgahan na siya agad bago maisalang sa imbestigasyon.

Binanggit din ni Teves na handa siyang pangalanan ang dalawang mataas na opisyal ng gobyerno na gusto siyang iligpit ngunit gagawin lang niya ito kung pahaharapin siya sa executive session sa Senado.

Samantala, hinimok din ni Teves ang Department of Justice (DOJ) na silipin ang ibang anggulo sa kaso gaya ng sinasabi niyang love triangle patungkol sa ilang nasasangkot sa insidente.

Muli rin umaalma ang kampo ni Teves sa ginawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isa sa kanilang ari-arian kung saan iginiit naman ng abogado nito na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi kasama ang “pera” sa search warrant kung meron man hawak ang mga awtoridad.

Sinabi pa ni Topacio na inaasahan na nila na may ilang ganitong uri ng hakbang na gagawin upang lalong mapasama si Teves sa mata ng publiko.

Facebook Comments