Manila, Philippines – Hindi magiging abswelto sina Guimbal, Iloilo mayor Oscar Garin at Iloilo 1st District Rep. Richard Garin sa mga kasong administratibo kahit na makipag-areglo sa kanila ang pinagbubogbog nilang pulis na si PO3 Federico Macaya Jr.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde kasabay ng pahayag na naka-depende kay PO3 Macaya kung nais niyang ituloy ang demanda laban sa mag-ama.
Matatandaang kamakalawa ng madaling araw dinisarmahan, pinosasan, binugbog at dinuraan ni Congresman Garin si PO3 Macaya, habang tinututukan umano ng baril ng alkalde sa sa Guimbal town plaza.
Sinabi ng PNP chief, maaring makalusot sa kriminal na kaso ang mag-amang Garin kung patatawarin sila ni Macaya, pero hindi aniya sila palulusutin ng PNP sa kasong administratibo.
Ayon pa sa PNP Chief, iniimbestigahan nila ngayon kung meron pang ibang inabusong pulis ang mga Garin dahil marami sa mga pulis sa Guimbal Municipal Police Station ang nagpapa-lipat na sa ibang lugar.
Anuman ang mangyari, sinabi ni Albayalde na pursigido silang alisin ang deputization o kontrol ng mga Garin sa local Police.
Posible din aniyang sampahan pa nila ng kaso sa Ombudsman ang mag-amang Garin.