Iginagalang ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang karapatan nina BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co at Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo sa paghahain ng ethics complaint laban sa kaniya.
Pero paglilinaw ni Lee, kailanman ay hindi niya magiging intensyon na manakit o mam-bully, kahit kanino, kahit sinuman.
Diin pa ni Lee, wala din sa intensyon niya na hindi respetuhin ang Kongreso.
Paliwanag ni lee, ang kaniyang aksyon ay bunga ng matindi niyang kagustuhan na matugunan ang kulang-kulang at napakamahal na mga benepisyong pangkalusugan na mahigit isang dekadang hindi inaksyunan ng Department of Health (DOH) at PhilHealth.
Base sa ethics complaint nina Congresswomen Co at Quimbo, hindi katanggap-tanggap na galit na galit silang sinugod ni Lee sa plenaryo habang tinatalakay ang pondo ng Department of Health noong September 25, 2024.
Bunsod nito ay napaiyak umano si Quimbo habang si Co ay hinimatay pa dahil sa takot, stress at trauma ng ginawa ni Lee na inagawan din ng mikropono si Northern Samar 1st District Representative Paul Daza.