Inaasahang dadalo si dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez sa pagdinig mamayang hapon ng House Committee on Ethics.
Kaugnay ito sa kinakaharap niyang ethics complaint na inihain ni Tagum City Mayor Rey Uy dahil umano’y paglabag sa code of conduct, disorderly behavior, at iba pang batas.
Kasama sa mga paratang kay Alvarez ang umano’y “libelous remarks” niya sa mga opisyal ng Davao del Norte; madalas na hindi pagpasok sa Kamara; at ang umano’y “seditious statements” niya matapos hikayatin ang militar at pulisya na bumawi ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Alvarez, handa siyang sagutin ang naturang mga alegasyon laban sa kanya at nagsumite na rin sya sa komite ng tugon higgil dito.
Nauna namang binanggit ni AKO BICOL Representative Jil Bongalon na siyang vice chairman ng komite, na anim na penalties ang tinitignan ng komite na pwedeng kaharapin ni Alvarez.
Kabilang sa binanggit ni Bongaon ang reprimand, censure, suspension ng 60 days, expulsion sa Kamara at iba pang penalty na pwedeng ipataw ng komite na kailangan ding isangguni muna sa mga miyembro ng Kamara at pagbobotohan sa plenaryo.