Congressman Pantaleon Alvarez, pinatawan lang ng censure ng Kamara

Censure ang inaprubahan ng mga kongresista sa plenaryo na parusa kay dating House Speaker at Davao del Norte 1st district Representative Pantaleon Alvarez.

186 na mga kongresista ang bomoto pabor dito, 5 tutol at 7 ang abstain.

Ang parusang censure kay Alvarez ay taliwas sa naging rekumendasyon ng House Committee on Ethics na patawan ng 60 araw na suspension si Alvarez.


Si Camiguin Representative JJ Romualdo ang nagsulong na gawin lamang censure ang parusa kay Alvarez sa halip na suspensyon dahil sa disorderly behavior.

Nag-ugat ito sa ethics complaint na inihain laban kay Alvarez ni Tagum City Mayor Ray Uy dahil sa umano’y libelous at seditious statement ni Alvarez sa isang rally.

Ayon kay Romualdo ang censure ay isang public statement ng kapulungan ng kanilang hindi pagsang-ayon sa naging aksyon ni Alvarez.

Paliwanag naman ni Committee Vice Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Jill Bongalon, nangangahulugan ito na pagsasabihan lamang ng Kamara si Alvarez.

Facebook Comments