Congw. Resurreccion Acop, pumanaw bunsod ng multiple organ failure dahil sa COVID-19

Kinumpirma ni dating Antipolo Rep. Romeo Acop na nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang yumaong asawa na si Congresswoman Resurreccion Acop.

Si Congw. Acop ay pumanaw sa edad na 74.

Pero nilinaw ni Acop na ang sanhi ng pagpanaw ng kaniyang asawa ay multiple organ failure dahil sa COVID-19.


Ayon kay Acop, April 8 nang magpositibo silang mag-asawa sa COVID-19 at agad naisugod sa Cardinal Santos Hospital kung saan siya ay nanatili lamang sa emergency tent habang ang kaniyang maybahay ay kinailangang ma-i-confine sa COVID Intensive Care Unit (ICU) dahil sa comorbidity nito na asthma.

Naka-intubate aniya ang kaniyang asawa sa loob ng 21 araw at nailipat rin kalaunan sa regular ICU room.

Nagkaroon na aniya ng bacterial pneumonia at blood clotting ang kaniyang maybahay na nauwi pa sa pagkalat ng impeksyon sa heart, liver, at kidney.

Bukod sa isang kongresista ay isa ring doktor at kasalukuyang tumatayong Vice Chairman ng Committee on Health si Congw. Acop.

Inilarawan pa ng dating mambabatas na isang mabuti at mapagpasensyang asawa, ina, lola, at kaibigan ang kaniyang yumaong asawa.

Facebook Comments