Conscience vote, paiiralin sa botohan para sa ABS-CBN franchise

Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi maiimpluwensyahan ang botohan para sa panukala ng pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

Ayon kay Cayetano, paiiralin nila sa Kamara ang “conscience vote” kung dapat pa bang bigyan ng panibagong 25 taon prangkisa ang giant network.

Sinabi pa ng Speaker na mula sa simula ay hinihikayat nila ang mga mambabatas na pabor sa prangkisa na buksan ang isipan sa mga kritiko gayundin sa mga kumokontra sa pagbibigay ng franchise na buksan din ang isipan sa mga nagsusulong nito.


Ito rin aniya ang dahilan kung bakit binuksan sa publiko ang pagdinig upang matimbang ng mamamayan.

Samantala, sakali namang makapagbotohan na sa Huwebes para sa ABS-CBN franchise, tanging ang 46 na miyembro lamang ng Legislative Franchises at 44 ex officio members ang makakaboto.

Tinapos na rin kagabi ang mga isyung kinakaharap ng network kabilang dito ang political bias, paglabag sa labor laws, tax-related issues at citizenship ni AB-SCBN Chairman Emeritus Gabby Lopez.

Facebook Comments