Consignee ng mga smuggled agri products, sasampahan na ng kaso ng DA

Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang kasong isasampa laban sa limang consignee ng mga nakumpiskang smuggled agri products tulad ng sibuyas.

Sa media briefing ng DA, sinabi ni Asec. James Layug na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ) para mapanagot ang mga consignee sa paglabag sa Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at Food Safety Act.

Bubuo rin ang DA ng legal task force na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga nangyayaring agricultural smuggling.


Sa kasalukuyan, aabot na aniya sa P500 milyon ang halaga ng smuggled agri products na nahaharang ng DA sa mga pantalan.

Mula rito, nasa 300,000 kilos na ang smuggled na sibuyas ang nasabat na karaniwang nagmumula sa China.

Bukod naman sa sibuyas, kabilang pa sa nakumpiska ng ang ilang imported na karneng baka, isda, carrots at asukal.

Paliwanag ni Asec. Layug, mahalagang malansag ang nasa likod ng mga smuggled na agri products.

Ito’y para mapigilan ang pagkalat nito sa merkado at mapigilan ang malaking panganib na dulot nito sa kalusugan ng mamamayan.

Facebook Comments