Inihayag ni dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, na miyembro ng 1986 Constitutional Commission (ConCom), na walang intensyon ang ConCom na hindi maamyendahan ang 1987 Constitution sa loob ng 37 taon.
Sinabi ito ni Azcuna sa deliberasyon ng Committee of the Whole ukol sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 bilang tugon sa tanong ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas kung bakit hindi pinayagan ang katagang ‘unless otherwise provided by Congress’ dati sa ConCom.
Paliwanag ni Azcuna, hindi pinahintulutan ng ConCom ang Kongreso na palitan ang Konstitusyon sa loob ng limang taon, upang patunayan ang pagiging epektibo ng balangkas nito sa ekonomiya pero hindi nila inasahan na umabot na ang 37 taon ay hindi pa ito na-aamyendahan.
Kaya giit ngayon ni Azcuna, marapat lang ang katagang “unless provided by law” upang mabago ito pamamagitan ng lehislasyon sabay diin na ang mga probisyong pang-ekonomiya ay dapat na flexible at tumutugon sa mga pagbabagong hatid ng panahon.
Ipinaliwanag ni Azcuna na ang kataga ay simpleng nagpapatupad kung ano ang pinahihintulutan ng Konstitusyon, at ang batas ay dapat na maipasa upang magbigay ng iba’t ibang kaayusan alinsunod sa kapangyarihang iginawad ng Konstitusyon mismo.