Constitutional convention na paraan ng pag-amyenda ng konstitusyon, mas makakatipid kung isasabay sa BSKE at 2025 midterm elections

Posibleng bumaba pa ang gagastusin ng pamahalaan kung ang isinusulong na Constitutional Convention (ConCon) para sa Charter Change (Cha-Cha) ay isasabay sa Barangay Elections at 2025 midterm elections.

Sa pagdinig ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na ginanap sa Baguio City, inirekomenda ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa panel na kung sakaling ConCon ang gamiting paraan sa pag-amyenda ng economic provisions ay malaki ang matitipid kung ang paghalal ng delegado para sa ConCon ay isasabay sa barangay elections sa October 2023 habang ang plebesito naman para sa pag-ratipika ng taumbayan sa ChaCha ay isasabay sa May 2025 midterm election.

Batay sa computation ng National Economic Development Authority (NEDA) Director of Governance Staff Atty. Reverie Sapaen, sakaling ang ConCon ay isasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at sa 2025 midterm, tanging operational costs na lamang ang matitira na kanilang popondohan na lamang ng ₱837 million.


Hindi hamak na mababa ang gastos na ito kung ikukumpara sa ₱28.5 billion kapag ito ay hiwalay na idinaos sa barangay election at sa ₱15 billion kapag ito naman ay ginawang simultaneous o sabay sa Barangay at SK elections.

Samantala, kung Constituent Assembly (ConAss) naman, kapag hiwalay na isinagawa ito sa barangay elections ay gagastos ang pamahalaan ng ₱13.9 billion at kapag isinabay naman sa BSKE ay aabot na lamang sa ₱46 million ang pondong gugugulin.

Nitong Lunes ay pinagtibay ng Kamara sa botong 301-6-1 ang resolusyon para sa ConCon na mode o paraang gagamitin sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Facebook Comments