
Isinulong ni House Deputy Speaker at National Unity Party Chairman Ronaldo Puno ng Antipolo ang pagdaraos ng Constitutional Convention o Con-Con para linawin ang ilang nakalilitong probisyon ng 1987 Constitution.
Sa kanyang privilege speech ay iginiit ni Puno na ang Con-Con ay ang pinakamaingat, transparent at may participatory mechanism para maisagawa ang kailangang reporma at maitama ang mga malalabong probisyon sa Saligang Batas.
Pangunahing inihalimbawa ni Puno na malalabong probisyon sa Konstitusyon ang pakahulugan sa salitang “forthwith” para sa impeachment process, gayundin ang pagsang-ayon ng Kongreso sa paggawad ng pangulo ng amnesty, pagtakda ng termino para sa barangay officials, at iba pa.
Giit ni Puno, ang Konstitusyon bilang supreme law o pinakamataas na batas sa bansa ay dapat klaro at nauunawaan hindi lamang sa korte kundi ng lahat ng mamamayan na ang karapatan ay pinoprotektahan nito.








