Manila, Philippines – Ibinabala ngayon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagkakaroon ng Constitutional crisis dahil sa sigalot sa pagitan ng Malacañang at Office of the Ombudsman.
Dahil ito sa pagtanggi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na ipatupad ang suspensyon na ipinataw ng Palasyo kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang.
Para kay Drilon at kay Senator Francis Chiz Escudero, kailangan ng mamagitan ang Kataas Taasang Hukuman.
Ayon kay Drilon at Escudero, maaring maghain ng Petition For Mandamus sa Supreme Court ang Malacañang o ang Solicitor General para igiit kay Ombudsman Morales na ipatupad ang suspensyon.
Pwede rin anilang si Ombudsman Morales at Carandang ang maghain ng petition sa Supreme Court at humiling ng Temporary Restraining Order (TRO).
Tinukoy ni Drilon na maaring basehan ng apela ng Ombudsman ang naunang pasya noon ng Supreme Court na nagsasabing hindi saklaw ng kapangyarihan ng pangulo ang pagdisiplina sa deputy Ombudsman.
Paliwanag ni Escudero, ang pagdulog sa Supreme Court ang legal, mapayapa at pinakamainam na hakbang sa halip na magpadala pa ng mga pulis na magpapatupad ng suspensyon kay Carandang.
Samantala, ayaw naman ni Escudero na pag isipan pa ang motibo ng palasyo sa nabanggit na hakbang.
Maari aniyang magkaiba lang ng opinyon ang Malacañang at Ombudsman o nais lang ng ehekutibo na subukin ang lawak ng kapangyarihan at prerogatibo nito.
CONSTITUTIONAL CRISIS | Gusot sa pagitan ng Malacañang at Ombudsman, ibinabala
Facebook Comments