
Para kay Manila 3rd District Representative Joel Chua, guni-guni lang ang constitutional issues na inilulutang ng kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa proseso ng impeachment laban sa kanya.
Diin ni Chua, mahigpit na sinusunod ng Kamara ang patakaran ukol sa due process na metikulosong inilatag ng Korte Suprema.
Ayon kay Chua, pinili nila ang unang impeachment mode upang maiwasan na maulit ang pagbabato ng mga isyung legal sa unang Articles of Impeachment laban kay VP Sara.
Hindi naman na ikinagulat ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang hiling sa Supreme Court (SC) ng kampo ni VP Duterte na ipahinto ang proseso ng impeachment sa Kamara.
Ayon kay Cendaña, inaasahan na at hindi nakapagtataka ang nabanggit na aksyon ng mga abogado ng Bise Presidente.










