Manila, Philippines – Ipinatitigil na ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang lahat ng construction activities ng JC Tayag Builders Inc, ang contractor ng Yolanda housing sa Eastern Samar.
Giit ni Evardone na ipatigil na ng National Housing Authority (NHA) ang kontrata sa JC Tayag Builders at palitan na ng ibang contractor dahil sa maraming paglabag na natuklasan sa pagtatayo ng housing units.
Bukod sa natuklasang paggamit ng substandard materials sa mga ipinatayong pabahay, marami ng delayed na housing units na hindi pa rin natatapos hanggang ngayon.
Hiniling din ng kongresista sa DPWH at NHA na imbestigahan ang ibang mga ginawang Yolanda housing units ng ibang contractor sa ibang lalawigan na sinalanta noon ng supertyphoon Yolanda.
Pinasasailalim din nito sa testing ang ibang mga units maliban sa mga itinayong bahay ng JC Tayag Builders upang matiyak na ligtas na matitirahan ng mga tao.
Ayon naman kay Committee on Housing and Urban Development Chairman Albee Benitez na lalawakan pa nila ang pagsisiyasat sa Yolanda housing dahil posibleng “tip of the iceberg” lamang ang natuklasang iregularidad sa mga units sa Balanginga, Eastern Samar.
Mababatid na nagsagawa ng imbestigasyon sa Yolanda housing ang Kamara kung saan nakakuha na ng 800 million ang contractor pero nasa 200 units pa lamang sa 1,200 units ang naitayo ng JC Tayag Builders sa nasabing lugar.
Aabot naman sa 56 Billion ang inilaan ng gobyerno para sa Yolanda housing.