CONSTRUCTION WORKER, ARESTADO MATAPOS TAGAIN ANG KANYANG BIYANAN

Cauayan City – Maswerteng nakaligtas ang isang ginang matapos itong tagain ng kanyang sariling manugang sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, bago mangyari ang insidente ng pananaga ay una ng nagreport ang biktima sa mga tanod sa kanilang lugar kaugnay sa paghahamon ng gulo ng suspek na si alyas “Eman”.

Nang rumespunde ang mga tanod ay nadatnan nilang nagtatalo ang biktima at ang suspek kaya naman inawat nila ito, kinumpiska sa kanyang pag-iingat ang nakita nilang kutsilyo na nakasukbit sa kanyang bewang, at pinakiusapang pumasok na sa loob ng kanilang bahay upang matigil na ang kanilang pagtatalo.


Ngunit makalipas lamang ang ilang sandali, habang isinasara ng biktima ang kanyang tindahan ay bumalik ang suspek upang muling makipagtalo sa biktima at bigla na lamang naglabas ng bolo at tinaga ang biktima sa kanyang kaliwang kamay at paa.

Sa kabutihang palad ay nagawang makatakbo ng biktima patungo sa bahay ng kanyang anak upang humingi ng tulong.

Kaagad namang rumespunde ang mga Brgy. Tanod sa pinangyarihan ng insidente, at dito nga nila kinumpiska ang ginamit sa pananaga, at kaagad na inaresto ang suspek upang dalhin sa himpilan ng Cauayan City Police Station.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Cauayan City PS ang suspek na nakatakdang maharap sa kasong Frustrated Homicide.

Facebook Comments