CONSTRUCTION WORKER SA STA. BARBARA, NASAKTAN SA PAMBUBUGBOG NG LIMANG LALAKI

Isang 29-anyos na construction worker ang malubhang nasaktan matapos umanong pagtulungang bugbugin ng limang lalaki sa Sta. Barbara, Pangasinan, dakong 4:30 AM kahapon, Nobyembre 26, 2025.

Ayon sa dalawang saksi na noo’y nasa burol, nakarinig sila ng kaguluhan mula sa kalsada at nakita ang biktima na tumatakbong palayo habang hinahabol ng mga suspek na armado ng bakal na tubo at kahoy.

Nahabol ang biktima sa tabi ng isang konkretong pader kung saan ito pinagtulungang bugbugin hanggang mawalan ng malay.

Matapos ang pananakit ay kalmadong lumakad palayo ang mga suspek, ngunit bumalik umano ang mga ito at tinangkang habulin ang saksi nang subukan niyang tulungan ang biktima.

Agad na iniulat ng saksi ang insidente sa barangay kapitan na rumesponde, habang isinugod naman ng MDRRMO Sta. Barbara ang biktima sa isang pagamutan sa Dagupan City.

Nagsagawa ng hot pursuit ang Sta. Barbara Police kasama ang saksi at naaresto ang apat sa mga suspek sa tirahan ng isa sa kanila, habang ang ikalima naman ay nahuli habang naglalakad malapit sa lugar.

Positibong kinilala ng biktima ang limang suspek bilang mga lalaking paulit-ulit na nanakit sa rito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Barbara Police ang mga suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Facebook Comments