Construction workers, isa sa in demand ngayon sa Saudi Arabia ayon sa DMW

Nasa construction sector ang isa sa nangungunang industriyang naghahanap ngayon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers o DMW na mataas ngayon ang demand ng Saudi Arabia sa construction workers.

Ito ay dahil sa vision ng Kingdom of Saudi Arabia na paunlarin pa ang kanilang ekonomiya pagsapit ng 2030.


Bukod sa construction workers, kailangan din aniya ng nasabing bansa ng maraming health workers at mga kasambahay.

Sa November 7 ngayong taon ay muling bubuksan ng gobyerno ang deployment ng mga OFW sa Saudi Arabia.

Ito ay matapos na maayos na ang ilang mga isyu para sa proteksyon at karapatan ng mga OFW sa nasabing bansa.

Sinabi ni Cacdac, nakuha ni DMW Secretary Susan Toots Ople ang commitment ng Saudi government sa pamamagitan ni Labor Minister Ahmed Al-Rajhi para paigtingin ang proteksyon ng mga OFW sa Saudi.

Kabilang na rito ang pagbabago sa standard employment contract ng OFWs sa aspeto ng pagkakaroon ng insurance coverage sakaling hindi makabayad ng sweldo ang employer.

Magkaroon ng wage protection measures o kailangan walang bawas kundi buo ang sweldong ibibigay sa OFW sa mas mabilis na paraan o electronic means.

Facebook Comments