Pinag-iingat ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang construction workers na nag-install ng mga ilaw malapit sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex.
Ito’y matapos makahukay ng isa na namang vintage bomb ang construction workers malapit sa runway ng paliparan.
Ayon kay MIAA Engineer Ric Medalla, ang vintage bomb ay posibleng binagsak ng Japanese Air Force noong World War ll.
Ayon kay Medalla, ang bomba ay natagpuan malapit sa NAIA Terminal 3 domestic runway 13/31 habang naghahanda ang mga manggagawa na mag-install ng isang stop bar malapit sa runway.
Sinabi ni Medalla na ang lugar ay isang dating site ng Philippine Air Force na pinaniniwalaang maraming vintage bomb na nakabaon.
Noong nakalipas na buwan ay isa ring vintage bomb ang natagpuan malapit sa runway 13/31, isang domestic runway.
Ang bomba ay nasa pangangalaga na ng Special Operations Unit (SOU) ng PNP-Aviation Security Group.