Cauayan City, Isabela- Inireklamo ng isang consumer ang maagang pamumutol ng ISELCO 1 sa linya ng kanyang kuryente.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM kay Ginoong Joannes Perlin mula sa Reina Mercedes, ikinagulat aniya nito ang ‘advance’ na ginawang pamumutol ng ilang kawani ng ISELCO 1 kahapon, Hunyo 24, 2021 dahil katunayan aniya ay sa darating na Linggo, Hunyo 27 pa sana ang kanyang due date.
Palaisipan aniya ito kay Perlin dahil wala naman umano siyang balance o hindi nabayarang kuryente at ‘updated’ ang kanyang electric bill.
Bukod dito, ikinabigla rin ni Perlin ang biglaang pagtaas ng kanyang electric bill ngayong Hunyo na umabot sa halagang P17,841.00 mula sa halos P8,000 na ibinayad sa kuryente nito lamang nakaraang buwan ng Mayo.
Sinikap lamang ani Perlin na magbayad kahapon kaya’t naibalik rin agad ang supply ng kuryente.
Samantala, nauna nang inimbitahan sa Provincial Capitol ang pamunuan ng ISELCO 1 at 2 upang talakayin ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo na inirereklamo ngayon ng maraming consumers.