Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang official contact tracing application ng gobyerno na StaySafe.ph, dahil umano sa mga napaulat na iregularidad, pagiging epektibo at isyu sa data privacy.
Sa House Resolution 1009 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan, tinukoy dito ang Facebook post noong June 13, 2020, ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio Jr., na tanging mga 3G-capable phones lamang ang may access sa application na katumbas ng 1% lamang ng total population.
Ayon pa kay Rio, mababawasan ang effectiveness ng application dahil sa 3G phones lamang ito gumagana at hindi ito ma-a-access ng mga 2G phone user na nasa 20 million.
Napuna rin ng Usec. ang data privacy issues ng application dahil dapat locator tracker lamang ang kailangan na may permission sa application, ngunit humihingi rin ito ng access sa camera ng cellphone at maaaring i-modify at burahin ang anumang nilalaman sa storage.
Bunsod nito ay hiniling ng Makabayan na masiyasat agad ang application dahil interes ng mga Pilipino ang nakasalalay rito.