Contact tracing at pagbabakuna sa mga driver, mas dapat atupagin ng gobyerno sa halip na ipatupad ang “No vax, No ride” Policy

Nananawagan si Senator Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mas pag-ibayuhin ang contact tracing at pagsuyod sa mga komunidad upang mabakunahan ang lahat ng pwedeng bakunahan at mas palakasin pa ang information drive ukol sa COVID-19 vaccine.

Kinikilala ni Hontiveros ang mabuting intensyon sa likod ng “No vax, No ride” Policy ng Department of Transportation (DOTr) pero kanyang iginiit na sa ilalim ng kasalukuyang batas ay hindi naman mandatory requirement ang vaccine card sa mga educational, employment at government transaction purposes.

Dagdag pa ng senador, ang pampublikong transportasyon ay isang essential service, kaya hindi ito dapat ipinagkakait sa kahit sinong mananakay.


Paliwanag pa nito, ngayon ay hindi pa rin naman pwedeng gawing mandatory o sapilitan ang pagpapabakuna dahil Emergency Use Authorization (EUA) pa lamang ang ibinigay sa mga mga ito at hindi pa natatapos ang clinical trials.

Dagdag pa ni Hontiveros, hindi rin malinaw sa polisiya ng DOTr kung ano ang kahihinatnan ng mga kababayan nating unvaccinated pero kailangang maghanap-buhay at kumita para sa pamilya.

Sabi pa ng opisyal, wala namang unified system ang mga vaccination cards, dagdag pahirap lang ito sa mga operator at drayber na kailangan pang i-check na bakunado ang bawat pasahero.

Facebook Comments