Contact tracing czar Mayor Magalong, nakukulangan pa rin sa contact tracing capacity ng bansa

Kahit na nakakita ng improvement si tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa contact tracing system na ipinatutupad ng mga Local Government Units (LGUs), hindi pa rin aniya ito sapat dahil hindi pa nakakamit ang target na 1 is to 30 (1:30) contact tracing ratio.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Magalong na may ilang LGUs na sadyang mababa pa rin o 1:5 ang contact tracing ratio, may ilan namang 1:12, 1:18 at 1:20.

Ibinahagi rin nito na noong nagtungo sila sa Tuguegarao ay nakakapagtala na ang LGU doon ng 1:30 contact tracing ratio.


Paliwanag ng tracing czar, napakahalaga ng epektibong contact tracing dahil dito nalalaman kung sino ang positibo sa COVID-19, agad itong nahihiwalay upang hindi na makapanghawa pa ng iba.

Samantala, sinabi rin nitong kulang pa ang mga contact tracers sa bansa.

Mas maganda aniya kung mas maraming contact tracers para maagapan ang pagkalat ng virus.

Sa ngayon, prayoridad nila sa pagkuha ng karagdagang contact tracers ay nakapagtapos ng medical-allied professions at criminology.

Facebook Comments