Cauayan City, Isabela- Pahirapan ang kasalukuyang ginagawa na contact tracing sa mga nakasalamuha ng isang bagong nagpositibo sa bayan ng Echague, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Francis ‘Kiko’ Dy, tinutukoy na ang mga posibleng nakasalamuha ng nagpositibo na taga barangay San Fabian na galing sa ibang lugar.
Ayon sa alkalde, Hunyo 4, 2020 nang dumating at umuwi sa kanyang tahanan ang nagpositibo at dahil sa kanilang protocol na kailangan munang dumeretso sa Echague District hospital ang sinumang uuwi na manggagaling sa ibang Lalawigan para sa pagsusuri ay dinala ito sa araw din ng kanyang pagdating.
Kinuhanan agad ito ng swab sample noong Hunyo 4, 2020 at nitong Hunyo 9, 2020 lamang lumabas at nalaman ang resulta nito.
Nakakalungkot aniya ang naturang balita dahil sa kabila ng kanilang paghihigpit mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nakapagtala pa rin ng kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito, muling ibinalik ang mga checkpoints sa naturang bayan bilang bahagi ng kanilang contact tracing sa mga nakahalubilo ng nagpositibo maging ang mga nakasalamuha ng taong nakahalubilo nito.
Nilinaw ng alkalde na hindi nag-lockdown ang bayan ng Echague dahil sa panibagong kaso ngunit nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) Phase 1 na kung saan ay mahigpit munang hindi nagpapasok at nagpapalabas ng sinuman sa kanilang bayan at ipinatupad na rin ang liqour ban.