Aminado si contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na humina sa nakalipas ang contact tracing system sa Pilipinas.
Sa ginanap na pulong ng House Committee on Health, sinabi ni Magalong na ang national contact tracing efficiency ratio ay bumaba sa 1:3 mula sa dating 1:7 sa nakalipas na apat na linggo.
Tinukoy na dahilan sa paghina ng contact tracing system ay ang kabiguan ng mga Local Government Units (LGUs) na gamitin ang uniformed data collection tool ng pamahalaan at ang kawalan ng budget para madagdagan ang mga contact tracers.
Para matugunan ang mga nabanggit na problema sa contact tracing ay planong isailalim muli sa training ang mga LGUs na kabilang sa NCR Plus, Region 12 at Region 5 pati na ang augmentation mula sa uniformed personnel at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Samantala, tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na nagdagdag na sila ng mga tauhan sa One Hospital Command Center para sa mas maayos na koordinasyon sa mga COVID-19 patients matapos na masita ng ilang mambabatas na kung hindi busy ang linya ng command center ay wala namang sumasagot.
Ayon kay Health Undersecretary at treatment czar Dr. Leopoldo Vega, mula sa dating 15 tauhan o agents ay ini-akyat na nila ito sa 30 at inaasahang madaragdagan pa.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa isang telecommunications company upang maisaayos na ang set-up at bilang din ng mga telepono.