Aminado ang Malacañang na ang contact tracing efforts ng bansa ang itinuturing na “weakest link” sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, labis siyang nagtataka kung bakit mahigit isang taon nang ilunsad ang StaySafe.PH application ay hindi naman ito malawakang nagagamit.
“I will have to admit, ito ang pinakamahina natin sa response sa COVID-19 ngayon, iyong ating tracing. Sabi mismo ni Mayor Magalong, hindi sapat iyong sina-subject natin to contact tracing pagdating doon sa mga nagkaroon ng close contact, dapat talaga 30 plus ‘no at malayo pa talaga iyong mga numero na nati-trace natin lalung-lalo na dito sa Metro Manila. So it’s really an area na dapat talagang tutukan,” ani Roque.
Ang StaySafe.PH app ay teknolohiya kung saan nire-require ang isang indibidwal na i-scan ang QR code ‘for access and filling out contact tracing forms” sa pamamagitan ng kanilang mobile phones.