
Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na gamitin muna ang contingency fund ng Office of the President (OP) para makapagbigay ng fuel subsidy sa mga PUV drivers, magsasaka at mga mangingisda.
Kung si Gatchalian ang tatanungin, ang pagsuspinde o pagbawas sa fuel excise tax ay dapat panghuli na sa gawin ng pamahalaan.
Naunang ibinabala ng senador na aabot sa ₱300 billion ang kitang maaaring mawala sa gobyerno at napakalaking halaga nito.
Kung excise tax aniya ang isususpinde o tatapyasan ay mas maraming mayayaman ang makikinabang dahil sila ang maraming sasakyan.
Kung ilalabas aniya ang contingency fund ay ma-activate nito ang Pantawid Pasada Program na mas targeted ang mga beneficiaries kumpara sa excise tax.
Mayroon aniyang ₱2 billion na pondo ang Pantawid Pasada subalit hindi ito magamit agad dahil may threshold na dapat umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng krudo.










