Contingency plan at daily update sa supply ng kuryente, hiniling ng isang mambabatas

Pinaglalatag ni House Committee on Energy Vice Chairman Carlos Roman Uybarreta ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ng contingency plan para sa nagbabadyang kakulangan o pagnipis ng suplay ng kuryente.

Nababahala ang mambabatas dahil apat na malalaking planta ang nagdeklara ng power outages noong Marso at itinaas pa sa ‘Yellow Power Alert’ status ang kuryente ngayong pagpasok ng Abril.

Iginiit ng kongresista na magkaroon ang DOE at ERC ng contingency plan para maagapan ang mga unscheduled power outages ngayong summer kung saan inaasahan din ang pagtaas ng demand sa kuryente at pagtaas sa singil nito.


Kinalampag ni Uybaretta ang lahat ng stakeholders na magplano at maglatag ng kongkretong hakbang para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente ngayong summer at 2019 midterm election.

Pinatitiyak din ng mambabatas na magiging minimal lamang ang impact sa mga consumers lalo na pagdating sa kanilang electricity bill.

Hiniling din ng kongresista na magkaroon ng ‘daily updates’ o media briefing hinggil sa status ng suplay ng kuryente.

Mahalaga aniya na maging proactive at magkaroon ng komunikasyon at transparency upang maipabatid sa publiko ang Sitwasyon at hindi matulad sa nangyaring water shortage kung saan marami ang hindi naging handa.

Facebook Comments