Inihirit ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ipawalang bisa ang Continuing Professional Development Act sa halip na tanggalin ang licensure exams.
Ayon kay Castro, mahalaga ang board exam bilang requirement at pagpapatunay na kwalipikado at may sapat na kaalaman ang isang professional.
Punto pa ng mambabatas, ang mga applicant para sa pagkuha ng driver’s license ay kinakailangang sumailalim sa exam kaya naman bakit aniya kailangang tanggalin ang requirement na pagsusulit para sa lisensya ng mga doctor, nurse, abogado at iba pang professionals.
Aniya, imbes na pagdiskitahan ang pag-aalis sa licensure exam ay tanggalin na lamang ang pahirap na renewal ng lisensya para maipagpatuloy ang pagsasanay sa mga propesyon na inoobliga sa ilalim ng Continuing Professional Development Act.
Nauna rito ay inihain ni Castro ang House Bill 510 na nagpapabuwag sa Republic Act 10912 matapos na makarating sa kanila ang reklamo ng mga guro at iba pang professionals na nagdulot lamang ng dagdag na gastos, logistical at psychological na problema ang renewal ng license.
Bago kasi maka-renew ng professional license ay kinakailangan na makapag-ipon sila ng credit units sa loob ng tatlong taon sa pamamagitan ng pagdalo sa mga seminars, trainings, courses at iba pang professional development activities.