Hiniling ni Senator Imee Marcos ang pangangailangan na magkaroon ng “contract farming” na ibabatay sa estimated na gastos sa produksyon ng mga magsasaka.
Isa ito sa paraang naisip ng senadora para matulungan ang mga magsasaka na hindi malugi sa kanilang ani.
Sa ilalim ng contract farming na isinusulong ni Marcos, bago pa man ang pagsasagawa ng pagtatanim ay mayroon nang napagkasunduan na minimum price ng bigas at ito ay ibabase sa estimated na gagastusin sa produksyon.
Iginiit ng senadora na ito ang dapat na maging batayan ng presyo ng bigas lalo’t ang tunay na cost sa rice production ay tumaas na magmula sa abono, krudo at sa tubig na ginagamit.
Kinalampag din ni Senator Marcos na alisin na ang mga middlemen na nagpapataas sa presyo ng mga agricultural produce ng mga magsasaka.
Puna ng mambabatas, labis-labis ang kinikita ng mga middlemen dahil bagsak presyo ang farmgate ng bigas pero pagdating sa palengke ay pumapalo ng ₱60 ang kada kilo ng bigas.