Maglalaan ng kanilang mga resources ang 20 malalaking kompanya sa sektor ng agrikultura para makalikha ng mas marami pang trabaho sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagsasabatas ng CREATE MORE Act na magbibigay ng insentibo sa buwis sa mga negosyante para mapasigla ang kanilang operasyon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Go Negosyo Founder Joey Concepcion, na ang mga kumpanyang ito ay pasok sa contract farming program ng gobyerno kung saan pwede nilang ma-access o magamit ang mga lupang pag-aari ng pamahalaan.
Sa ilalim nito, mamumuhunan ang mga negosyante sa mga makina at gamit pambukid sa mga lupang pag-aari ng gobyerno at ang mga magsasaka ang magtatanim at magpapalago nito at tatawagin silang contract growers.
Oras na mangyari ito, hindi lamang simpleng maliliit na magsasaka o micro farmers ang turing sa kanila kundi magiging small and medium farmers na.
Para kay Concepcion, ang sektor ng agrikultura ang pinakamalaking game changer ngayon kung talagang susuportahan ang mga magsasaka.