Nangako ang DMCI, ang contractor ng NLEX-SLEX connector project na tutulungan ang mga nabiktima ng bumagsak na crane at mga bakal sa isang residential area sa Barangay 203, Tondo, Maynila.
Ito mismo ang kinumpirma ni Manila City Mayor Honey Lacuna.
Ayon sa alkalde, nagkausap na ang DMCI at ang mga pamilyang naapektuhan ng naturang insidente.
Aniya, nagkasundo ang magkabilang panig kung saan dadalhin sa isang hotel sa Caloocan City ang dalawang pamilya o nasa walong indibidwal na umuupa sa bahay na nabagsakan ng crane at mga bakal.
Dagdag ni Mayor Lacuna, may commitment ang DMCI na sa loob ng tatlong araw ay magagawa na ang bubong ng bahay na nasira.
Matatandaang wala namang nasaktan o nasawi ng bumagsak ang crane ng boom truck sa kasagsagan ng pagsasagawa ng NLEX-SLEX connector project.