Contractor ng bumagsak na bahagi ng crane sa Pasay, ipapatawag ng lokal na pamahalaan

Ipapatawag ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang contractor at ang mga opisyal ng Pasay City Lions Club para talakayin ang nangyaring pagbagsak ng bahagi ng tower crane sa Taft Avenue.

Nabatid na nabagsakan ng bahagi ng crane mula sa ika-23 palapag ng ginagawang gusali ang mismong opisina ng Pasay City Lions Club.

Nagharap at nagka-usap naman na ang contractor at ang mga ospiyales ng Pasay City Lions Club pero iginigiit ng grupo na huwag muna sanang galawin o ayusin ang nangyaring insidente habang isinasagawa ang imbestigasyon.


Napag-alaman na isang crane installer ang nakialam sa operasyon ng tower crane ng walang pahintulot at walang koordinasyon sa ibang kasamahan nito kaya sumabit ang bahagi nito saka tuluyang bumagsak.

Nagsasagawa naman na ng inspeksyon ang City Engineering Office ng lokal na pamahalaan ng Pasay para alamin ang iba pang pinsalang idinulot ng pagbagsak ng bahagi ng crane.

Wala namang naitalang nasaktan o nasugatan sa insidente.

Facebook Comments