CONTRACTUALIZATION | Ilan pang food chain, tututukan din ng DOLE

Manila, Philippines – Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na silipin din ang sitwasyon ng mga empleyado ng iba pang food chain bukod sa Jollibee para matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakda ng batas at hindi naaabuso ang mga empleyado.

Matatandaan na una nang sinilip ng DOLE ang Jollibee at inutusang gawing regular ang kanilang mga empleyado na aabot sa 6 na libo.

Ayon kay Secretary Bello, iniutos sa kanya ng Pangulo na lahat ng mga fast food chain tulad ng McDonalds, Chowking at iba pa ay silipin din at dapat matiyak na nare-regular ang mga empleyado ng mga ito.


Sinabi din naman ni Bello na kahit hindi pa nalalagdaan ng pangulo ang isang Executive Order para tuldukan ang ENDO ay mayroon namang nakasaad sa umiiral na batas kung sino ang dapat i-regular ng mga kumpanya at kung sino ang maaaring kontraktuwal lamang.
Samantala, kinumpirma naman ni Bello na ang sinasabi ni Pangulong Duterte na isa sa kanyang sinibak ay si Labor Undersecretary Dominador Say pero napabalita naman na nagbitiw lang ito at hindi sinibak.

Facebook Comments