Inanunsyo ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund na iurong ang nakatakdang pagtaas ng buwanang kontribusyon sa mga miyembro sa ₱100 patungong ₱150 sa taong 2022.
Ito ay matapos magsagawa ng konsultasyon ang tanggapan sa iba’t ibang labor at employer groups.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo del Rosario, inaprubahan nila ang rekomendasyon ng Pag-IBIG Fund Management na ipagpaliban ang contribution hike.
Batid kasi nila na maraming miyembro at empleyado ang nahaharap sa pinansyal na hamon sa nakalipas na mga buwan buhat ng epekto ng pandemya sa ekonomiya.
Sinabi naman ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti, inaasahan na nila na ang halaga ng loans na nadi-disburse ay mahihigitan ang kabuoang koleksyon mula sa loan payments at kontribusyon ng mga miyembro kada taon.
Kaya iminungkahi nila na dagdagan ng 50 pesos ang monthly contribution para magkaroon ng sapat na pondo na tutugon sa tumataas na demand at mapanatili ang mababang rates sa mga loan.
Sa ngayon, ang Pag-IBIG Fund ay nakapagpalabas na ng ₱44.16 billion na halaga ng home loans ngayong taon.