Manila, Philippines – Nanindigan ang kampo ni dating Sen. Bong Bong Marcos na may naganap na “outing” sa pagitan ng mga head revisors ng Presidential Electoral Tribunal at mga tauhan ni Vice President Leni Robredo sa Pansol, Laguna noong June 22.
Kasabay nito, hinamon ng mga abogado ni Marcos ang kampo ni Robredo na maglabas ng video footage o ebidensya na magpapatunay na galing kay Marcos ang pagkain na dinala sa pool party ng PET sa Laguna.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez-Isa sa mga abogado ni Marcos, nakapagpakita na sila ng mga larawan ng nangyaring “outing” ng mga tauhan ni Robredo kasama ang mga head revisors ng PET kaya nasa kampo na anya ni Robredo ang bola para sila naman ang maglabas ng ebidensya.
Sinabi ni Rodriguez na sa ngayon, lumalabas na pawang alibi at binabaliktad pa sila ng kampo ni Robredo.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang manual recount ng PET kaugnay ng election protest na inihain ni Marcos laban kay Robredo.