
Mas pinaigting ng Urdaneta City Police Station (UCPS) ang mga hakbang sa seguridad sa pagdiriwang ng Pasko at bilang paghahanda sa Bagong Taon upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa buong lungsod.
Nagsagawa muli ang mga tauhan ng Police Information and Continuing Education (PICE) bilang paghahanda para sa deployment ngayong Araw ng Pasko. Layunin ng aktibidad na tiyakin ang kahandaan ng kapulisan at ang epektibong pagtugon sa anumang insidente sa panahon ng holiday season. Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at ang mahigpit na pagsunod sa Ligtas Paskuhan Directives upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng night inspections sa mga negosyo at financial establishments sa lungsod bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad. Sinuri ng mga pulis ang mga umiiral na security measures, nakipag-ugnayan sa mga security guard at kawani, at nagpaalala sa mga may-ari at empleyado ng mga establisimyento na manatiling alerto, lalo na sa mga operasyon sa gabi.
Bukod dito, isinagawa rin ang business establishment visitation and inspection upang masiguro ang kaligtasan ng mga establisimyento at ng kanilang mga tauhan laban sa posibleng banta ng krimen. Sa aktibidad na ito, muling ipinaalala ang mga kinakailangang hakbang sa seguridad at kahalagahan ng kahandaan at kooperasyon ng bawat isa upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, muling pinagtitibay ng Urdaneta City Police Station ang kanilang pangako na maghatid ng isang ligtas, mapayapa, at maayos na pagdiriwang ng Pasko para sa buong komunidad ng Urdaneta.









