Convicted drug lord na si Amin Imang Boratong, kabilang sa mga high-profile inmates na nasawi sa COVID-19; Pamilya nito, duda sa tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay!

Kabilang din sa mga high-profile inmates na nasawi dahil sa COVID-19 ang convicted drug lord na si Amin Imang Boratong.

Si Boratong ay kilala bilang operator ng notoryus na “shabu tiangge” sa Pasig City at na-convict noong July 2009 kasama ang kanyang asawa nito matapos salakayin ng mga pulis ang drug den nito noong 2006.

Ayon sa pamunuan ng Zenaida Lim De Mesa Funeral Homes sa Muntinlupa City, tinawagan sila ng Bureau of Corrections (BuCor) para i-pick up mula sa New Bilibid Prison ang bangkay ni Boratong na kanilang dinala naman sa Muslim cemetery sa Norzagaray Bulacan noong June 5, 2020.


Kasabay nito, iginiit ng pamilya ni Boratong na hindi sila pinayagan ng mga jail guard na buksan ang body bag para makumpirma kung ang kaanak nila ang naturang bangkay.

Ayon kay Faye, hindi niya tunay na pangalan, nagulat na lamang sila ng malaman COVID-19 ang ikinamatay ni Boratong kung saan hindi sila pinagbigyan na makakuha ng kopya ng medical records nito kahit pa may request ang kanilang abugado, habang sinunog umano ang lahat ng gamit ng drug lord dahil sa health protocols.

Bunsod nito, malaki ang pagdududa ng mga kaanak ni Boratong sa tunay na pagkamatay nito.

Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa mga kamag-anak ng iba pang nasawing high profile inmates para sa pagsasampa ng kaso laban sa pamunuan ng BuCor.

Mababatid na kinumpirma ni BuCor Spokesman Gabriel Chaclag ang pagkamatay ni Boratong dahil sa COVID-19, bukod pa sa drug lord na si Jaybee Sebastian.

Facebook Comments